Ayon kay Maita Santiago, secretary-general ng Migrante, isang alyansa ng mga manggagawang Pinoy na hindi makatarungan na ipataw sa mga OFW ang mga pinansiyal na problema ng NAIA.
Sinabi ni Santiago na labag sa isinasaad ng section 35 ng Migrant Workers Act ang planong paniningil ng NAIA sa mga manggagawang Pilipino.
Nakapaloob sa batas na exempted ang mga OFW sa pangongolekta ng airport terminal fee dahil na rin sa laki ng naiaambag ng mga ito sa kaban ng bayan.
Imbes aniya sa mga OFW ipataw ang pangangailangang pinansiyal ng NAIA ay dapat na tutukan ni Gen. Edgardo Manda ang paniningil sa P3 bilyong collectibles sa mga airlines at airport consessionaires para sa kanilang overdue rent.
Base sa rekord mula nitong Enero hanggang Hunyo, umaabot sa mahigit 3,000 OFWs ang araw-araw na umaalis sa bansa at dumadaan sa NAIA na kung susumahin ay aabot sa mahigit P1.65 milyon kada araw ang malilikom ng NAIA sa mga manggagawa.
Magugunita na inihayag umano ni Manda na upang resolbahan ang problemang pinansiyal para sa rehabilitasyon ng NAIA Terminal 1 habang hindi pa nag-ooperate ang NAIA Terminal 3 ay kailangang maningil ng P550 sa mga OFW. (Ulat ni Ellen Fernando)