Sinabi ni Sen. Barbers, may mga special elections pang dapat ganapin, may mga uncanvassed pang mga certificate of canvass at may mga natapos namang special elections na ang mga CoCs ay hindi pa naipapadala sa Comelec.
"Kung sakaling matapos bilangin ang mga CoC na ito at lumitaw na talagang si Biazon ang nanalo ay maluwag ko itong tatanggapin," wika ni Barbers.
Aniya, habang hindi pa naman nabibilang lahat kung saan ay inaasahan na may 20,000 boto pa ang pinagtatalunan ay dapat bawiin muna ng Comelec ang naging proklamasyon ni Biazon kung saan ay 10,000 ang kanyang naging lamang.
Nakatakdang iharap ni Barbers sa Lunes ang nakalap niyang mga resulta ng ginanap na special elections kamakailan kung saan ay naungusan niya si Biazon partikular sa Ligao, Albay.
Umaasa pa rin ang dating DILG secretary na pagkatapos mabilang ang lahat ng mga uncanvassed CoCs at special elections ay siya ang mangingibabaw na ika-12 senador at hindi si Biazon. (Ulat ni Rudy Andal)