Alas-3 na ng hapon ay hindi pa rin sinisimulan ang pagbibilang ng COCs kahapon dahil sa pagtatalo ng ilang miyembro ng committee. Kabilang sa mga pinagtalunan ang legalidad ng canvassing matapos ang adjournment ng Kongreso noong Biyernes; pagmamarka sa mga ebidensiyang nais ihain ng kampo ni Fernando Poe, Jr. sa komite at ang diumanoy ghost precinct sa Surigao del Sur.
Iginiit ng kampo ni FPJ, na mayroong ghost precinct sa Surigao del Sur dahil lumitaw na 1,454 ang aktuwal na presinto pero 1,455 ang nakatala sa CoCs.
Binitbit ng mga abogado ni FPJ ang mga kopya ng election returns (ERs) ng KNP at nais nilang tanggapin at markahan ito ng joint canvassing committee bilang exhibit o ebidensiya.
Pero hindi pumayag ang komite dahil tanging pagbibilang lamang anila ang trabaho ng komite at anumang ebidensiya kaugnay sa sinasabing dayaan ay dapat sa Presidential Electoral Tribunal ibigay.
Sinabi naman ni Atty. Romulo Macalintal na isang presinto lamang ang kinukuwestiyon ng KNP pero 1,454 ERs ang kanilang pilit na isinusumite sa komite.
Kung may kinukuwestiyon aniya ang KNP sa isang presinto ay dapat ipatawag na lamang ng Senate president ang election officer sa Surigao del Sur para magpaliwanag tungkol sa sinasabing ghost precinct.
Muli na namang nangako ang ilang mambabatas na kasapi ng administrasyon na matatapos ang pagbibilang ng natitirang 97 CoCs sa loob ng dalawang linggo dahil natapos nila ang pagbibilang ng 80 CoCs sa loob lamang ng anim na araw. (Ulat ni Malou Rongalerios)