90 days reprieve sa 6 death convicts

Muling nagkapag-asa ang may anim na death convicts na nakatakdang isalang sa lethal injection chamber matapos na pagbigyan ni Pangulong Arroyo ang kahilingang 90-days reprieve o pagpapaliban sa kanilang pagbitay.

Ayon kay Press Sec. Milton Alingod, lima sa anim na convicted rapists ay dati nang nabigyan ng presidential reprieve noong Marso at ang isa sa mga ito ang panghuling pinagbigyan ng Pangulo na ipagpaliban ang pagbitay dito.

Sinabi ni Alingod, nilagdaan ng Pangulo ang pag-apruba na ipagpaliban ang pagbitay sa anim na death convicts dahil sa rekomendasyon ni Exec. Sec. Alberto Romulo matapos na matanggap nito ang kautusan ng Supreme Court (SC) sa eksekusyon ng anim na death row convicts na nagtatakda ngayong buwan ng Hunyo.

Ang tanggapan ni Romulo ang tagapangasiwa sa awtomatikong pagrebisa sa parusang kamatayan para sa tanggapan ng Pangulo.

Nakasaad sa magkakahiwalay na resolusyon na ipinalabas ng SC en banc, binigyang pansin nito ang liham ni Bureau of Correction (Bucor) Director Dionesio Santiago kung saan ipinababatid nito ang bagong petsa ng pagpapataw ng parusang kamatayan sa naturang mga death convicts.

Kabilang sa anim ay sina Filomeno Serrano na itinakda sanang bitayin sa Hunyo 11, Biyernes dakong alas-3 ng hapon; Hilgem Nero, na matatapat sa Araw ng Kalayaan,Hunyo 12; Jonel Manio, sa Hunyo 17, Danilo Remudo sa Hunyo 21; Fidel Alburida sa Hunyo 24 at Salvador Miranda sa Hunyo 29. (Ulat nina Marichu Villanueva/Gemma Amargo)

Show comments