Ebidensiya ng dayaan,ihaharap na ng oposisyon

Ihaharap ngayong araw ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) ang kanilang mga ebidensya para patotohanan na nagkaroon ng malawakang dayaan sa nakaraang May 10 elections partikular sa lalawigan ng Cebu.

Ayon sa KNP, ihaharap ni Sen. Serge Osmeña at KNP lawyers ang kanilang mga ebidensya kasama ang mga Comelec officials ng Cebu na magpapatotoong nagkaroon ng dayaan sa nasabing lalawigan kung saan ay sinasabing mahigit isang milyon ang naging lamang ni Pangulong Arroyo kay KNP presidential bet Fernando Poe Jr.

Sinabi ng KNP, hindi lamang sa Cebu nagkaroon ng dayaan kundi sa iba pang lugar kaya lumitaw sa mga certificate of canvass (CoCs) na ngayon ay kinukuwestiyon ng oposisyon sa isinasagawang canvassing ng Kongreso na nakalalamang ang Pangulo.

Idinagdag pa ng kampo ni FPJ, ang ihaharap nilang mga ebidensya sa isang pulong-balitaan sa araw na ito sa Sacred Heart Convention Center sa Cebu ay magpapatunay na mayroong nangyaring dayaan sa lalawigang ito kaya lumamang ng mahigit 1 milyon si GMA.

Gagamitin ng KNP camp ang mga ebidensyang ito para mapabuksan ang election returns sa isinasagawang canvassing ng Kongreso para malaman ang katotohanan na hindi si GMA ang nanalo kundi si FPJ.

Bukod sa Cebu ay 14 pang CoCs ang nakatakdang kuwestiyunin ng oposisyon sa ginagawang canvassing ng Kongreso kasama ang lalawigan ng Pampanga, Iloilo, Kalinga at iba pang probinsya na natukoy nilang nagkaroon ng tampering sa certificate of canvass. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments