Ito ang nilalaman ng dalawang pahinang resolusyon ng SC en banc, na nagbigay ng probisyunal na pagsang-ayon sa iginigiit ni CA Presiding Justice Cancio Garcia.
Sinabi ng mga mahistrado na may kapangyarihan pa ang 18 mahistrado na ma-promote at magpalipat sa Maynila (CA-Manila) batay na rin sa seniority rules alinsunod sa Republic Act 8246 o ang An Act Creating Additional Division in the Court of Appeals.
Nilinaw ng SC na tanging ang pagkakatalaga ng dibisyon ng Appellate Court lamang ang natatali sa batas at hindi ang mga miyembro nito.
Dito ay kinatigan ng SC high tribunal ang giit ni Justice Garcia na ang paglilipat o transfer ng mga mahistrado ay base naman sa seniority at sa kanilang appointment papers na hindi partikular na nakasaad kung saan sila mananatili, mailipat man o hindi.
Kaugnay nito, inatasan ng Mataas na Hukuman si Garcia na magsumite sa kanila ng bagong internal rules ng CA para sa reorganization bago o sa araw ng Hunyo 30, 2004.
Ang nasabing usapin ay inakyat sa SC bunsod ng reklamo na inihain ng concerned judges at lawyers noong Mayo 4, 2004 na humaharang sa pagpapalipat ng 18 mahistrado mula sa Cebu at Cagayan de Oro patungo sa Manila. (Ulat ni Ludy Bermudo)