Dakong alas-9:45 ng gabi ng matagpuan ng House security ang isang brown envelope na nakita sa ibabaw ng projector sa kanang bahagi ng lobby ng plenary hall.
Nang buksan ang envelope, natagpuan sa loob ang dalawa pang mas maliit na envelope na may tatak na National and Local elections May 10, 2004. Ang dalawang maliit na envelope ay may blangkong CoCs at election returns.
Bagaman at blangko ang mga CoCs at election returns, hinihinala na nais palabasin na itinanim ito para gamiting kapalit ng nawawalang CoCs mula sa Camarines Norte.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni Speaker Jose de Venecia na hiniling na nila sa Comelec na suriin ang authenticity ng mga CoC at election returns at ginamit na envelope.
Humingi na rin ng tulong sa NBI ang liderato ng Kamara upang magsagawa ng imbestigasyon.
Sinabi ni de Venecia na mahalagang matukoy kung sino ang mga taong nasa likod ng "pagtatanim ng mga natagpuang envelope.
Nagpahayag ng pagkabahala si de Venecia sa motibo ng mga taong nagtanim ng mga CoC dahil ganito rin ang ginawa noon sa Senado nang ilipat ang mga ballot boxes mula sa Comelec.
Malaki aniya ang posibilidad na nais sirain ng taong responsable sa pagtatanim ng mga pekeng CoCs ang integridad ng ginagawang pagbibilang sa Kongreso.
Nagtataka naman ang ilan kung paanong nakalusot sa mahigpit na seguridad ang taong nag-iwan ng nasabing envelope.
May nakatalagang 92 miyembro ang PNP-Special Action Force sa Kongreso maliban pa ang 100 karagdagang pulis na idineploy dahil sa bilangan at mahigit sa 200 ang miyembro ng Legislative Security Bureau. (Ulat ni Malou Rongalerios)