Pahayag ng CBCP na walang dayaan, sampal sa oposisyon

Sampal sa mukha ng oposisyong Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) ang ginawang pahayag ng maimpluwensiyang samahan ng Kaparian sa buong bansa na walang naganap na malawakang dayaan sa nakaraang halalan, pahayag nina Lakas CMD Reps. James Gordon (Zambales) at Isidoro Real (Zamboanga del Sur).

Ayon sa mga kongresista, ang ginawang pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ay taliwas sa ipinakakalat na maling impormasyon umano sa KNP.

"Panahon na para sa oposisyon na mamulat at itigil ang pagpapakalat ng maling balita upang sirain ang kredibilidad ng nagdaang pampulitikang pagsasanay," pahayag pa ni Gordon.

Naniniwala pa ang chairman ng House committee on bases conversion na walang kinakampihan ang ginawang pahayag ng CBCP dahil ibinatay ito mula sa mga ulat na tinanggap ng liderato nito mula sa mga Obispo sa buong bansa.

Ayon pa kay Gordon, mahalaga ang ginawang pahayag ng CBCP sa harap ng gagawing pagbibilang ng komiteng binuo ng Kongreso.

Hinikayat na lamang ni Real ang oposisyon na maluwag na tanggapin ang pahayag ng CBCP, sa halip na libangin ang sarili nito sa mga walang batayang paratang ng malawakang pandaraya.

"Kung totoo ang mga pinagsasabi nila, eh, bakit hindi sila magharap ng matibay na ebidensiya, hindi puro dakdak lamang," ani pa ni Real. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments