Sa pagsisimula ng enrolment sa public high school at elementary, kasabay na pinaalalahanan ng DepEd sa pamamagitan ng isang Department Order ang mga principal at guro na hindi na nila maaaring obligahin ang mga estudyante na mag-eenrol na magbayad ng kahit anong school fees.
Ayon sa ipinalabas na Dept. Order No. 30 na nilagdaan ni DepEd Sec. Edilberto de Jesus, hindi maaaring singilin ng anumang school fees ang mga bata hanggat hindi pa sila tiyak na natatanggap sa papasukang paaralan.
Kung naka-enrol na ang mga estudyante ay maaari na itong singilin ng PTA fees na mapagkasunduan ng mga magulang at guro subalit kailangan ay boluntaryo lamang ito at hindi sapilitan.
Subalit ang perang masisingil ay hindi umano puwedeng hawakan ng sinumang guro at opisyal ng paaralan.
Ang halaga ng PTA fees ay depende sa mapagkakasunduan ng mga magulang.
Bukod sa PTA fees, kailangan boluntaryo rin ang pagbabayad ng mga estudyante sa ibang mga bayarin tulad ng Boys Scout at Girl Scout, Philippine National Red Cross, Anti-TB, Educational and Fund Drive at Identification Card.
Ang mga paaralang may school paper ay hindi maaaring maningil ng lampas sa P50 bawat estudyante sa elementarya at P75 sa high school. (Ulat ni Edwin Balasa)