Ayon kay PNP-Directorate for Intelligence P/Director Robert Delfin, batay sa kanilang nakalap na ulat ay nagsasagawa ng pag-iikot ang senador sa ibat ibang grupo na ang agenda ay mag-aklas laban sa pamahalaan ni Pangulong Arroyo na sisimulan sa Hunyo 9 hanggang maiproklama si Pangulong Arroyo.
Una rito, kinumpirma mismo ni Defense Secretary Eduardo Ermita na totoo ang panibagong iniumang na destabilisasyon laban sa administrasyon.
Bukod kay Honasan, lumutang rin sa grupo ng mga "destabilizers" ang mga pangalan nina Fr. Joe Dizon ng Patriots, Jess Fernandez na aide ni Honasan at Vic Ladlad, dating senior cadre ng rebeldeng NPA na may kaugnayan kay Benito Tiamzon, chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Ipinaliwanag ni Delfin na determinado ang mga ito na patalsikin ang gobyerno.
Sa gitna nito, ipinaliwanag ng opisyal na hindi pa sila makagawa ng aksiyong legal dahil ang impormasyong ito ay produkto ng kanilang isinasagawang monitoring at wala pa rin silang solidong ebidensiyang hawak para dalhin ang usapin sa korte. (Ulat ni Joy Cantos)