Ayon kay Foreign Affairs spokesperson Julia Heidemann, base sa report ng embahada ng Pilipinas sa Baghdad, nasa kritikal na kondisyon ang tatlong OFWs matapos na bombahin ang Camp Anaconda.
Ang mga biktima ay kabilang sa 1,300 OFWs na nagtatrabaho sa nasabing military camp sa Baghdad mula sa kumpanyang Prime Project Inc. na nakabase sa Dubai.
Inatasan na kahapon ng DFA si Ambassador Eric Andaya, officer-in-charge sa Baghdad upang tumungo sa Camp Anaconda at kilalanin ang mga biktima at tuloy beripikahin ang natanggap na report na apat na ang patay na OFWs sa pambobomba sa US military camp.
"Inaantay pa natin ang report mula sa embahada sa Iraq upang malaman natin kung ilan talaga ang patay. May report kasi na apat na ang patay. Baka yung tatlong nasugatan ay kabilang na sa mga nasawi," ani Heidemann.
Agad namang humingi ng tulong sa DFA ang isang Jenny Tupil na kaanak ng mga OFWs na sina Richard Tupil, Regie Esguerra at Alvin Sablan na kasalukuyang nasa Camp Anaconda.
Sinabi ni Tupil na isang tawag ang kanyang natanggap mula sa isa nitong kaanak sa Camp Anaconda bandang 7:30 ng umaga kahapon at sinabing binomba ang kanilang kalapit kuwarto sanhi ng pagkamatay ng dalawang Pilipino at pagkasugat pa ng di mabatid na bilang ng Pinoy.
Aniya, nangangatog sa takot ang mga OFWs doon at gusto na nilang umuwi sa Pilipinas dahil sa walang humpay na pag-atake at pambobomba.
Hiniling ng libong manggagawa ang kanilang agad na repatriation. (Ulat ni Ellen Fernando)