Ayon kay Lt. Gen. Alberto Braganza, chief ng AFP-NCRC, isang platoon ng mga sundalo ang ipinakalat upang bantayan ang Edsa shrine.
Samantala ang iba pang puwersa ng mga sundalo mula sa Civil Disturbance Management Team ay naka-standby naman para tumulong sa puwersa ng pulisya sa Paseo de Roxas, Makati City.
Nagmartsa kagabi patungong Makati ang KNP kasama ang kanilang mga supporter para iprotesta ang umanoy ginagawang pandaraya ng Arroyo administration sa kanilang kandidatong si FPJ.
Ayon sa KNP, pinipilit ng administrasyon na palabasin sa kanilang trending kasabwat ang ilang media quick counts na si GMA ang lumalabas na panalo.
Ang martsa na nagsimula ng alas-6 kagabi ay dinaluhan mismo ni FPJ, iba pang KNP candidates at mga supporter.
Kahapon ay nanawagan si Poe sa kanyang mga supporter para magtipun-tipon at bantayan ang botohan dahil sa malinaw umanong pandaraya sa KNP sa unang bugso pa lamang ng bilangan ng mga balota.
"The AFP believes that this is not the time to fuel the people. The people will stand guard against this plan. We call for calmness and sobriety," panawagan naman ni AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Rodolfo Garcia, hepe ng Task Force HOPE, sa sambayanan. (Ulat nina Joy Cantos at Rudy Andal)