As of 9:21 kagabi ay umabot lamang ng mahigit limang libo ang lamang ni FPJ (179,672) kay Arroyo (173,709), samantala malayo sa pangatlo si Panfilo Lacson (76,165), pang-apat si Bro. Eddie Villanueva (39,663) at pang-lima si Raul Roco (35,671).
Sa bise presidente, bahagyang nanguna si Legarda (217,673) kay de Castro (214,214).
Pinangunahan kahapon ni Pangulong Arroyo ang sambayanang Pilipino sa pagboto kung saan bumoto ito sa Presinto 1 ng Barangay San Nicolas, Lubao, Pampanga kasama ang anak na si Pampanga Vice Governor Mikey Arroyo na kandidato sa pagka-kongresista.
Hanggang sa araw ng botohan kahapon, muling hiniling ng Pangulo sa 43 milyong mga kuwalipikadong botante sa bansa na lumabas at gamitin ang kanilang karapatang makapili ng mga karapat-dapat na opisyal na uugit sa pamahalaan.
Bandang 7:40 ng umaga naman sa Xavier School sa Greenhills, San Juan ay bumoto si FPJ kasama ang kanyang maybahay na si Susan Roces sa precint 277-A.
Inamin ni FPJ na gumamit siya ng "kodigo" sa pagboto nilang mag-asawa upang masiguro na tama ang spelling ng kanilang iboboto hanggang sa konsehal ng San Juan.
Umaasa si FPJ na siya ang mananalo sa eleksiyon kasabay ng panawagan na sana ay huwag masyado ang pandaraya kung may magaganap mang dayaan.
Inamin naman ni Lacson na ipinaubaya na lamang niya ang kanyang panalo sa pagka-presidente sa Diyos habang hinihintay ang magiging hatol ng mga botanteng Pilipino.
Alas-8:08 ng umaga ng magtungo si Lacson sa kanyang presinto sa Bayang Luma Elem. School sa Imus, Cavite upang bumoto.
Dumating si Lacson kasama ang anak na si Ronald Jay at si Cavite Gov. Ireneo Maliksi.
Samantala, nagdasal muna bago bumoto sa Bocaue, Bulacan si Villanueva. Naglakad lamang ito patungo sa presinto habang sa Naga City, Bicol bumoto si Roco kasama ang kanyang asawang si Sonia, kapatid at mga apo.(Ulat ng PSN Reportorial Team)