INC inendorso na si GMA,Noli

Pormal nang inendorso ng Iglesia Ni Cristo si Pangulong Arroyo at ang kanyang kandidato sa pagka-bise na si Sen. Noli de Castro bilang pambato ng INC sa Mayo 10

Sa pahayag ni Presidential Spokesman on Campaign Issues Mike Defensor, ipagkaloob na ni INC Executive Minister Erano Manalo ang kanyang pahintulot sa Pangulo para ihayag ang kanilang desisyon sa publiko.

Sinabi ni Defensor na ang pagsunod ng Pangulo sa mga payo ng Iglesia ang naging susi sa pag-endorso dito. Tanging ang Pangulo lamang sa mga presidential candidates ang gumagawa ng pakikipagkonsultasyon sa INC sa mahahalaga niyang programa.

Bukod sa Pangulo, nagpasya rin ang INC na ipagkaloob ang kanilang suporta sa kandidatura ni de Castro sa pagka-bise presidente.

Tinatayang ang INC ay mayroong mga miyembrong mula 4 hanggang 5 milyon sa buong bansa at ang kanilang suporta ay isang mahalagang bentahe para sa Presidente upang masiguro ang kanyang pagwawagi sa halalan sa Lunes.

Kasabay nito, sinabi ni Defensor na ihahayag na rin ng El Shaddai na pinamumunuan ni Bro. Mike Velarde ang kanilang desisyon kung sino-sino ang mga kandidatong susuportahan sa halalan.

Halos nakatitiyak na rin ang Pangulo na siya ang pagkakalooban ng suporta ng milyun-milyon miyembro ng El Shaddai, paniwala pa ni Defensor. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments