Babaha diumano ng pekeng peso bills na may denomination na P100, P500 at P1,000 isang linggo bago dumating ang halalan sa May 10.
Ayon sa KNP, nakalap ng intelligence report mula sa military na nakahanda na ang mga nasabing pekeng peso bills at nakaiskedyul na ang distribution nito.
Ang intel report ay ibinunyag diumano ng mga miyembro ng military na "nananatiling tapat sa republika" at handang ipagtanggol ang kasagraduhan ng balota sa nalalapit na eleksiyon.
Sinabi ng intel report na ipapamahagi ang mga pekeng bills sa mga operators ng Malacañang na binubuo ng mga mayor at gobernador upang gamitin sa napaulat na Oplan Tinta at vote-buying operations.
Ayon sa ginawang expose kamakailan ni Tatad, ang target ng Oplan Tinta ay ang mga island provinces katulad ng Catanduanes, Masbate at Samar-Leyte kung saan may katagalan bago maiakyat ang reklamo sa Comelec at iba pang awtoridad.
Sa nasabing Oplan Tinta ay babayaran ng P300 hanggang P500 ang bawat botante kapalit ng paglalagay ng tinta sa kanilang daliri. Ang ipambabayad umano sa mga botanteng ito ay mga pekeng peso bills na magmumula sa mga operators ng Malacañang.
Inihayag ni Tatad na mahigit sa limang milyong boto ang madidis-enfranchise sa gagawin ng K-4 na Oplan Tinta. Maging sa vote-buying operations ay bogus na peso bills din ang gagamitin.
Nauna nang pinabulaanan ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye ang alegasyon. (Ulat ni Rudy Andal)