Partikular na tinukoy ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye ang ibinunyag na Oplan Tinta ni Tatad na naglalayong hadlangang makaboto ang mga botante sa Catanduanes, Masbate, Samar, Leyte at iba pang mga probinsiya sa bansa sa pamamagitan ng pagbuhos ng tinta sa kanilang mga daliri kapalit ng halaga.
"Imahinasyon lang iyan ni Tatad, ani Bunye. "Madalas magparatang si Tatad na walang ebidensiya," dagdag niya.
Kung mayroon anyang lehitimong kuwestiyon si Tatad, mayroon namang kinauukulang mga institusyon na puwede niyang pagharapan ng petisyon tulad ng Comelec, Ombudsman at Korte Suprema.
Ayon naman sa isang K-4 source, bakit pipigilang bumoto ang mga tao sa tinukoy na probinsiya gayong malakas doon si Presidente Arroyo?
"Nauubusan na ng isyu ang oposisyon laban sa administrasyon kaya nag-imbento ng mga akusasyon dahil patuloy na tumataas ang rating ng Presidente sa lahat ng survey," anang K-4 source.
Base sa alegasyon ni Tatad, sa ilalim ng Oplan Tinta, limang milyong boto ang target na mabawas sa mga taga-suporta ni Poe sa Catanduanes, Masbate, Samar, Leyte at iba pang island provinces.
Babayaran umano ng mula P300 hanggang P500 ang bawat botante kapalit ng paglalagay ng tinta sa mga daliri, patunay na sila ay nakaboto na gayong hindi pa.
Ang pagbubunyag ay ginawa ni Tatad kasunod ng pahayag ng Comelec hinggil sa kakulangan ng indelible ink na gagamitin sa halalan. (Ulat ni Lilia Tolentino)