Mas inuna kahapon ni FPJ ang shooting ng kanyang TV political ad kaysa makipagkita kay Lacson.
Ayon kay dating Negros Rep. Mike Romero, spokesman ng KNP, nakatuon na sa puspusang kampanya ang KNP para masiguro ang panalo ni FPJ, running mate nitong si Sen. Loren Legarda at 12 senatorial candidates sa nalalabing 12 araw ng campaign period.
Aniya, sa sariling survey ng KNP at isang survey ng independent group ay lumilitaw na nakalalamang pa si FPJ ng 12% kay Pangulong Arroyo habang nakakaungos naman ng 5-6% si Loren kontra de Castro.
"Nakikita natin na kahit wala ang unification kay Ping ay makakasiguro ng panalo si FPJ pero kung matutuloy ang kanilang talks ay mas pabor ito sa KNP dahil ang politics naman ay addition," sabi ni Romero.
Wika pa ni Romero, walang mawawala kay FPJ kung makipag-usap man ito kay Lacson para sa kanilang final round of talks pero nagpahayag na si Da King na wala itong balak na umatras o bumaba ng puwesto, gayundin ang posisyon ni Lacson.
Naunang sinabi ni FPJ sa media at maging sa crowd nito sa Naga City na wala siyang plano na umatras sa laban o mag-slide down gaya ng napapabalita.
"Huwag po kayong maniniwala na aatras ako o mag-slide down. Sinimulan ko ito kaya tatapusin ko, hindi ko bibiguin ang taumbayan," giit pa ni FPJ sa taga-Naga City. (Ulat ni Rudy Andal)