Suporta ng Laguna kay FPJ hihingin ni Erap

IBA, Zambales - Hihimukin ni dating Pangulong Estrada ang kanyang mga supporters sa lalawigan ng Laguna na suportahan ng todo-todo ang kanyang matalik na kaibigang si KNP standard bearer Fernando Poe, Jr. sa gaganaping grand rally ng KNP ngayong gabi sa San Pedro, Laguna.

Sa pamamagitan ng taped message, hihilingin ni Erap na kasalukuyang nakakulong sa Camp Capinpin Tanay, Rizal sa kanyang mga kababayan sa Laguna na patalsikin na si Pangulong Arroyo pagdating ng Mayo 10 at iluklok sa puwesto ang matalik niyang kaibigang si FPJ.

Unang ginawa ni Erap sa pamamagitan ng phone patch sa rali ng KNP sa Iligan City ang paghiling sa taumbayan na huwag kalimutang suportahan si FPJ at buong tiket ng KNP sa darating na May 10 elections.

Gagawin muli ni Erap ang panawagan na suportahan ng taumbayan si FPJ sa kanyang balwarte sa Laguna na itinuturing na Erap country ngayong gabi at bukas ng gabi sa grand rally ng KNP sa San Pedro at San Pablo City sa Laguna. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments