Pansamantalang nakalabas ng kulungan si Ltsg. Trillanes sa ISAFP compound matapos itong payagan ni Judge Oscar Pimentel ng Makati RTC na makapiling ang kanyang bagong panganak na asawang si Capt. Arlene Orejana-Trillanes at tuloy madalaw ang maysakit nilang anak na si Allan Andrew , 21-day-old, sa St. Louis University Hospital sa lungsod na ito.
Kasama ang kanyang military escorts at kanyang misis ay dinalaw ni Trillanes noong Lunes ang sanggol na isinilang noong Marso 16.
Nabatid na pagkapanganak sa sanggol ay hindi na ito pinayagang makalabas ng nursery dahil sa natuklasang mayroon itong acquired pnuemonia with primary complex base sa pagsusuri ng pediatrician nitong si Dra. Agnes Bautista.
Napalitan ng kalungkutan ang natamong pansamantalang kalayaan ni Trillanes ng dalawin nilang mag-asawa kamakalawa ng hapon ang kanilang anak sa nursery at mabatid na patay na ito.
Ibinurol ang sanggol sa PMA chapel sa loob ng kampong ito at takdang i-cremate sa Lunes.
Matatandaang ikinulong si Trillanes at iba pang kasapi ng Magdalo group at kinasuhan ang mga ito ng mutiny. Walang piyansang ibinigay ang korte para sa mga opisyal na namuno sa pag-aaklas. (Ulat ni Rudy Andal)