Sa ulat ng NBI-Interpol Division, nakatanggap ang Department of Justice (DOJ) ng sulat buhat sa US na humihiling sa extradition ni Alhamzer Limbong Manatad, na mas kilala sa alyas na Kumander Kosovo. Kasalukuyang nakadetine ito ngayon sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig, Metro Manila. Natanggap na rin ng NBI Director Reynaldo Wycoco ang naturang kahilingan.
Nabatid na haharap sa paglilitis sa United States District Court for the Districr of Columbia si Manatad sa mga kasong conspiracy to commit hostage-taking resulting to death, hostage-taking and murder of a United States national.
Nahaharap rin si Manatad sa mga kasong kidnapping for ransom, murder, illegal possession of firearms and explosives sa korte dito sa Pilipinas.
Bukod kay Manatad, kinasuhan rin sa District of Columbia sina Khadafi Janjalani, Isnilon Hapilon, Aldam Tilao, Jainal Antel Sali Jr., Hamsiraji Sali, Wahar Opao, Bakkal Totoni Hapilon at Abdul Azzam Ngaya.
Darating naman sa bansa ang ilang ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) upang kilalanin ang mga ito na sangkot rin sa pagdukot sa mag-asawang Gracia at Martin Burnham.
Kaugnay nito, sinabi naman ni acting Justice Secretary Merceditas Gutierrez na hindi maaaring ipa-extradite patungong Amerika si Manatad dahil nasa kamay ng hukuman ng Pilipinas ang kasong kriminal laban sa naturang Abu kumander.
Sinabi ni Gutierrez na anumang hakbangin nila ay kailangang may permiso ng hukuman kaya hindi ito maaaring desisyunan na lamang kaagad ng DOJ. Tinukoy ng DOJ ang nakasaad sa batas na sa oras na hawakan ng hukuman ang isang kaso, kriminal man o sibil, ay kailangang may leave of court o pahintulot mula sa hukuman na naglilitis sa naturang kaso kung ito ay magbibigay ng permiso sa isang kahilingan o hindi. Ang Pasig City Regional Trial Court ang may hawak sa nasabing kaso. (Ulat nina Danilo Garcia/Grace dela Cruz)