Ayon kay Osmeña, malaki ang kanyang paniniwala na may kinalaman sa sabwatang ito si dating Pangulong Fidel Ramos dahil gusto nitong makapasok sa partido ng administrasyon si independent senatorial candidate Heherson Alvarez.
Sinabi ni Osmeña na nawalan ng kredibilidad ang drama nina Ramos at Alvarez dahil nakarecord sa Senado na may imbestigasyon si Osmeña noong Pebrero 5 kung saan ito rin ang petsang tinutukoy ng nagpakilalang call boy na magkasama sila ng senador.
Aniya, ginawa ni Ramos ang eskandalo dahil sa patungo na sa kanya (Ramos) ang imbestigasyon ng Maynilad.
Lumilitaw sa Senate minutes na nagsimula ang sesyon na pinamumunuan ni Osmeña dakong alas-3:50 ng hapon at natapos ng 12:51 ng madaling araw ng Pebrero 6.
Sa gitna ng sesyon, sinabi ni Osmeña na lumabas siya ng gusali ng Senado para makipagpulong sa tatlong kongresista at 70 barangay captains mula sa Mandaue at Cebu City sa Emerald Restaurant sa Roxas blvd.
Subalit sa pahayag ni Diego Gomez, ang nagpakilalang call boy, ang rape sa kanya ay naganap noong Pebrero 5 sa Tagaytay City.
Itinanggi naman ni Ramos ang bintang at sinabing sa dami ng kanyang ginagawa ay wala na siyang panahong manira. Wala rin aniya siyang sama ng loob kahit lagi siyang binabanatan ng senador.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng K4 na hindi ilalaglag ng alyansa si Osmeña. Ayon kay Presidential Spokesman on Political Issues Mike Defensor, 101 porsiyento ang suporta ng partido ng administrasyon kay Osmeña hindi lang sa kandidatura nito kundi maging sa pagdedepensa sa kasong rape na isinampa laban sa kanya. (Ulat nina Doris Franche/Lilia Tolentino)