Hiniling ni Agripino Baybay III kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Patrick Velez na idiskuwalipika ang Pangulo sa kanyang kandidatura dahil sa tahasang paglabag umano nito sa Fair Election Act.
Kabilang sa mga reklamo ng pro-Con ang umanoy walang humpay na paglustay ng Pangulo sa pondo ng bayan na ginagamit nito sa kanyang pangangampanya.
Isinaad pa ang pagpapamudmod nito ng PhilHealth cards sa mga mamamayan sa tuwing siya ay nangangampanya na senyales na ito ay propaganda upang makahatak umano ito ng boto.
Bukod sa pro-Con, magsasampa na rin ng kasong disqualification sa Comelec ang Migrante International dahil sa akusasyon din sa Pangulo na ginagamit nito ang milyon-milyong pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Tatlong dokumento ang hawak ng Migrante na nagpapatunay sa mga transaksiyon ng tanggapan ng Pangulo at OWWA officials upang mailipat ang milyong pondo ng OWWA sa PhilHealth kabilang pa ang P15 milyon na compensation na para sana sa Gulf war victims. (Ulat ni Ellen Fernando)