Sa pahayag ng isang mataas na opisyal ng Ombudsman na ayaw magpabanggit ng pangalan, hinihintay na lamang na maisampa sa kanilang tanggapan ang naturang sumbong at agad sisimulan ang imbestigasyon. Dito ay wala anyang pulitikang magaganap kundi trabaho lang.
Kasalukuyan nang inihahanda ng anti-graft watch sa lungsod ng Maynila ang sumbong ukol sa "hiden wealth" ni Lacuna na matagal nang usap-usapan ng mga Manilenyo.
Ito ay kasunod ng panawagan kamakailan ni Engr. Ramon Flores, opisyal ng isang government watchdog na dapat isailalim sa lifestyle check si Lacuna para maliwanagan ang mga Manilenyo kung saan galing ang kanyang yaman.
Binanggit ng watchdog ang isang mansiyon na ipinatayo umano ng bise alkalde sa Biyaya Street, Sta. Mesa, Manila na ginastusan umano ng P50 milyon.
Sinabi ng watchdog na hindi kakayanin ng suweldo ng isang bise alkalde ang magpatayo ng ganito kagarbong mansiyon. Ang take-home pay ng vice mayor aniya ay nasa P35,000 lamang kada buwan.
Kinukuwesiyon din ang mga luxury at sports vehicle na umano ay pagmamay-ari ng pamilya Lacuna.
"Kailangang malaman ng taumbayan kung sino ang kanilang ibinoboto dahil ang kapakanan nila at sampu ng kanilang mga anak ang nakasalang dito," wika niya.
Nanawagan din ang watchdog sa taumbayan na maging mapagbantay at mapagmasid dahil baka pera na ng bayan ang ginagamit ng ilang tiwaling opisyal para sa kanilang sariling interes. (Ulat ni Malou Rongalerios)