Dakong alas-10:15 ng umaga nang basahin ng clerk of court ng Comelec Second Division ang desisyon sa disqualification case laban kay Gil na nilagdaan nina Commissioner Mehol Sadain, division chairman at mga miyembro nito na sina Commissioners Manuel Barcelona at Florentino Tuason.
Iniutos ng Comelec na kanselahin ang certificate of candidacy ni Gil at ang pangalan nito ay tatanggalin sa listahan ng mga kandidatong pangulo.
Ang pag-disqualify kay Gil ay ibinase sa kawalan nito ng makinarya upang mangampanya bukod pa sa paglayas na sa kanya ng kanyang limang senatoriables dahil sa kawalan ng kumpiyansa at tiwala dito.
Inakusahan din ng naglayasang senatoriables ni Gil na sina actress Pilar Pilapil, ret. Gen. Ramon Montaño at Eddie Ilarde na wala itong sapat na pondo para sa pagsasagawa ng nationwide campaign.
Bukod dito, naging balakid din ang mga nagdaang pangangampanya ni Gil sa ibat ibang lalawigan na nagdulot ng matinding kahihiyan nito at buong partido dahil sa hindi nito pagbabayad ng kanyang campaign sorties at pagbabayad ng talbog na tseke sa kanyang hotel bills na P35,000 sa General Santos City.
Binigyan ng 5-araw ng Comelec ang kampo ni Gil upang umapela.
Galit na galit naman si Gil sa nasabing desisyon at sinabi nito na aapela siya kahit makarating ito sa Korte Suprema.
Idiniin niya si Bro. Eddie Villanueva na may kagagawan at nasa likod ng kanyang disqualification. (Ulat ni Ellen Fernando)