Akusasyon kay Kabayan inimbento

Imbento lamang o mga kathang isip ang mga ibinabatong paninira laban kay vice presidentiable Noli de Castro.

Ito ang pahayag ng Kay Kabayan Ka! (KKK) Movement sa bintang ng Bagong Lahi Foundation na hindi umano 100% Mr. Clean si Kabayan. Matatandaang lumabas ang mga alegasyon matapos malathala na nangunguna ng milya-milya si de Castro sa kanyang mga kalaban sa pagka-bise presidente sa mga survey na isinagawa ng Pulse Asia, SWS at Ibon Foundation.

Sinabi ni Isko Catibayan, tagapagsalita ng KKK, na pawang kasinungalingan ang inilalakong istorya ng Bagong Lahi. Sinabi din niyang malisyoso ang pagpapakalat ng white paper at ang death threats umanong natatanggap nila ni Andrew Gonzalez, national director ng Bagong Lahi.

"Maliwanag na naninira lamang ang Bagong Lahi Foundation sapagkat ang tiyempo ay kampanya para sa eleksiyon at may mga napabalita pang may P6 milyon pondo ang isang PR group upang wasakin ang malinis na pangalan at reputasyon ni Kabayan," pahayag ni Catibayan.

Kamakailan ay naglabasan sa mga pahayagan na may isang PR group na pinamumunuan ng isang alyas "Wilfredo" at "Marissa" ang gigiba kay de Castro at may P6 milyong pondo upang magpakalat ng mga kasinungalingan at mga inimbentong istorya laban kay Kabayan.

Sinabi pa ni Catibayan na lubhang makapangyarihan si Wilfredo at Marissa sapagkat nababaligtad nila ang katotohanan.

"Dahil sa white paper na naglabasan laban kay Kabayan, nagpatawag si Sen. Kiko Pangilinan ng isang Senate inquiry upang mabulgar kung sinu-sino itong mga taong nasa likod ng demolition job laban kay Noli," wika ni Catibayan, "ngunit agad nabaligtad ni Wilfredo at Marissa ang istorya at pinalalabas na ang huhubaran ng maskara ng Senate inquiry ay si Kabayan."

"Ginagamit nila ang kanilang talino at impluwensiya dahil pataas nang pataas ang rating ni Kabayan sa mga survey," dagdag pa niya. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments