Kabilang sa mga kinasuhang opisyal sina Motorpool section chief Maximo Borje, Jr.; Administrative and Manpower Management Services director Burt Favorito; assistant director Florendo Arias, Erdito Quarto, Agerico Palaypay, Napoleon Anas, Danilo Planta, Luisito dela Rosa, Rogelio Beray, Norma Villarmino, Ricardo Juan, Jr., Nelson Umali, Maria Luisa Cruz, Melissa Espina, Violeta Tadeo, Jessica Catibayan, Violeta Amar, Robaldo Simbahan, Felipe San Jose at Rolando Castillo.
Ang mga pribadong indibidwal naman na karamihan ay mga suppliers ng repair at spare parts ng mga sirang sasakyan ay sina Conchita dela Cruz, Janette Bugayong, Jesus Capuz, Rodelia Uy, Romeo Fullido, Nonette Fullido, Victoria Go, Carmelito Edem, Agusto Capuz at Vicente Santos Jr.
Sa isang nilagdaang supplemental resolution, sinabi ni Ombudsman Simeon Marcelo na nakipagsabwatan si Borje at ang iba pang opisyal ng DPWH sa mga pribadong suppliers at ginamit nila sa maling paraan ang pondo ng gobyerno. Wala aniyang katotohanan ang sinasabing pagpapaayos ng mga sasakyan ng DPWH at ginamit ang pondo sa personal na dahilan.
Nangyari umano ang hindi tamang paggamit ng pondo sa pagitan ng Marso hanggang Disyembre 2001 kung saan sinasabing ipinaayos ang nasa 521 sasakyan ng DPWH.
Sinabi ni Special Prosecutor Dennis Villaignacio na umabot sa P82.321 milyon ang napunta kay Borje sa pamamagitan ng 4,406 false transactions. Kung kukuwentahin aniya, mas mabuti pang bumili na lamang ng bagong sasakyan ang DPWH tuwing ikalawang araw kaysa ipinaayos ang mga sirang sasakyan ng ahensiya.
Ipapakita ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang nasa 9,000 vouchers at delivery receipts na magpapatunay sa kanilang natuklasang anomalya.
Idinagdag ni Villaignacio na ipiprisinta nila sa korte ang tatlong testigo na magpapaliwanag kung paano ginawa ng mga opisyal ang panloloko. Ang tatlong testigo ay naging bahagi ng modus operandi ng grupo. (Ulat ni Malou Rongalerios)