Citizenship ni FPJ pagbobotohan ngayon

Magsasagawa na ngayong araw na ito ng botohan ang Supreme Court (SC) en banc hinggil sa citizenship ni action king Fernando Poe, Jr.

Sinabi ng isang mapagkakatiwalaang source, pagbobotohan ng mga SC justices ang panukalang desisyon na ibaba na lamang ang kaso ni FPJ sa Court of Appeals (CA) upang doon tanggapin ang mga ebidensiya sa kaso ng aktor.

Nabatid na si SC AssociateJustice Conchita Carpio-Moralles ang napili sa isinagawang raffle ng SC en banc para sumulat ng desisyon sa kaso ni FPJ.

Ipinaliwanag naman ng source na depende pa rin sa magiging resulta ng deliberasyon at botohan kung tuluyang ilalabas ng SC ang promulgasyon sa kaso ni Da King.

Ayon sa source, hindi umano madesisyunan ng direkta ng Mataas na Hukuman ang kaso ni FPJ hinggil sa merito nito dahil hindi ito "trier of facts". Ang mga kaganapan at ebidensiya hinggil sa kaso ng aktor ay hindi umano saklaw ng SC dahil ito ay dumidinig lamang ng mga kasong "pure questions of law" o purong katanungan ukol sa batas.

Sinabi pa rin ng impormante na mananaig at papaboran ng mayorya ng SC justices ang draft decision at ibababa ito sa CA at bibigyan ito ng 10-araw para isagawa ang pagdinig. Sa loob ng 10-araw na ito ay tatanggapin ng tatlo kataong CA justices ang mga ebidensiya sa pamamagitan ng isang paglilitis.

Magsasagawa umano ng rekomendasyon ang CA sa naging resulta ng presentasyon ng mga ebidensiya at muling ibabalik ito sa SC para desisyunan muli ang kaso. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments