Ayon kay DFA executive director Gerlie Garcia ng Office of the Migrant Workers Affairs, base sa report ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh, may hawak nang exit visa ang OFW na si Gwendalyn Amazona at inaasahang makakauwi na bago magtapos itong buwan.
Sinabi ni Garcia na nakipag-usap at nakipag-ugnayan na rin ang Royal Princess na si Madawi Khalid Turki al-Saud, amo ng biktima sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas at tiniyak nito na ibibigay niya lahat ang mga benepisyo ng nasabing OFW.
Inamin naman ng DFA na bagaman sensitibo ang kaso ni Amazona dahil sa maimpluwensiyang tao ang sangkot sa reklamong pagmamaltrato ay sinikap ng mga kinatawan ng bansa na kausapin ang Royal Princess sa kabila ng kahilingan ni Sen. Manny Villar na maghain ng diplomatic protest laban sa Royal Princess dahil sa nasabing pagmamalupit.
Naalarma ang pamilya ni Amazona ng sumulat ang DH na siya ay madalas sinasabunutan, inihuhulog sa hagdanan, inuuntog sa pinto at pader at madalas na hindi nakakatulog bunga ng santambak nitong trabaho. Isa pa sa inaangal nito ay hindi rin siya sinusuwelduhan.
Dahil sa pagsagot ng Royal Princess sa panawagan ng DFA na ibigay ang lahat ng mga benepisyo ng biktima ay posibleng hindi na rin maghain ng kaso ang pamahalaan laban sa prinsesa .(Ulat ni Ellen Fernando)