Sa panayam kay US Charge d Affairs Joseph Mussomeli, sinabi nito na malabong tanggalin sa talaan ng mga kinatatakutang terorista sa buong mundo ang NPA hanggat patuloy ang mga ito sa paghahasik ng terorismo.
Ginawa ni Mussomeli ang reaksyon kasunod ng pormal na pagbubukas kahapon ng RP-US joint military exercises o Balikatan 2004 sa Camp Aguinaldo na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng militar ng Pilipinas at Amerika.
Bukod dito, nilinaw ni Mussomeli na wala rin silang natatanggap na kahilingan buhat sa mga opisyal ng Palasyo ng Malacañang para tanggalin ang terror tag ng naturang komunistang grupo.
Sa rekord ng US ay ika-34 ang NPA sa talaan ng FTO na dapat pangilagan ng sambayanan sa lahat ng panig ng mundo.
Ayon sa US official dapat ay itigil muna ng CPP-NPA-NDF ang paghahasik ng terorismo tulad ng pananalakay sa tropang gobyerno, pananabotahe sa mga instalasyon ng gobyerno ng Pilipinas, pangingikil ng revolutionary tax sa mga negosyante at maging ang permit to campaign fees sa mga kandidato atbp. bago ng mga ito hilingin sa US Govt at European Union na alisin sila sa talaan ng bansang miyembro ng International Terrorist Group. (Ulat ni Joy Cantos)