Tinutunton na ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang kinaroroonan ng isang Pinay maid na nakilalang si Gwendalyn Amazona, makaraang makaabot sa kaalaman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kalagayan nito sa kamay ng malupit na among si Saudi Royal Princess Madawi Khalid Turki al-Saud.
Ayon naman kay Foreign Affairs spokesperson Julia Heidemann, nagbigay na ng instruction ang DFA sa Embahada upang makita si Amazona at makuhanan ng salaysay.
Ibabase ni Heidemann sa biktima kung maghahain ng kaso ang pamahalaan laban sa Royal Princess.
Iginiit ni Heidemann na hanggat maaari ay ayaw nang makipag-away ang pamahalaan sa ibang gobyerno kaya ipinasa na nila ito sa higher level.
Ang insidente ay nakaabot sa DFA nang sumulat si Amazona sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas at ikinuwento ang masaklap nitong kapalaran sa kamay ni Madawi.
Base sa nilalaman ng sulat, madalas umanong sinasabunutan ang biktima, itinutulak sa hagdan at inuumpog ang ulo sa pader at pintuan ng kanyang amo.
Nabatid na hanggang sa kasalukuyan hindi pa binabayaran ang kanyang suweldo. Hindi na rin aniya siya nakakapagpahinga at nakakatulog bunga ng mabibigat na trabaho nito.
Dalawang taon ang kontrata ni Amazona sa Saudi at nagtapos na nitong Enero 17 subalit hindi pa nakakauwi sa Pilipinas.
Kaugnay nito, hiniling ni Sen. Manny Villar, chairman ng senate committee on foreign relations sa DFA na maghain ng diplomatic protest laban sa pamahalaang Saudi.
Iginiit ni Villar na dapat na maipakita sa buong mundo ang pagkondena ng bansa sa patuloy na pagmamaltrato sa mga Pinoy workers lalo na sa mga Filipina na madalas na nabibiktima ng pang-aabuso.
Hiniling rin ni Villar kay DFA Sec. Delia Domingo Albert na agad na pauwiin si Amazona dahil sa posibilidad na manganib ang kanyang buhay sa kamay ng kanyang amo.
Sinabi pa ng senador, dapat na kasuhan agad ng DFA ang employer ni Gwendalyn upang makuha niya ang kanyang suweldo at iba pang benepisyo mula sa recruiting agent nito sa Maynila at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nauna kay Amazona, isa pang Filipina ang ginahasa at nakauwi lamang sa bansa matapos na bayaran umano ito ng P800,000 ng suspek na isang dating vice-presidential candidate sa Taiwan, habang apat na Pinay ang ginahasa rin ng mga pulis sa Kuwait. (Ulat ni Ellen Fernando)