Hindi na umabot ng buhay sa Tanchuling Hospital ang biktimang si Rowell Endrinal, 45, may asawa, kilala sa alyas na "Mr. Guapo" at blocktime broadcaster ng Filipinas Broadcasting Network ng lokal na radio station DZRC sa naturang lungsod. Nagtamo ito ng walong tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-6 ng umaga ilang metro ang layo sa bahay ng biktima. Bigla na lamang sumulpot ang mga salarin na armado ng kalibre .45 at 9mm at sunud-sunod na pinaputukan si Edrinal saka nagsitakas.
Nabatid na ang dalawang suspek ay matagal ng naghihintay sa labas ng bahay ng biktima at kumain pa ng pansit sa kalapit na tindahan. Ilang araw na din umanong nakikita ang mga ito na umaaligid sa bahay ni Edrinal.
Ayon sa asawa ng biktima na si Mila, bago ang pamamaslang ay ilang araw ng nakakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay sa pamamagitan ng text sa kanyang cellphone ang biktima.
Pinaniniwalaang may kinalaman sa matitindi at walang takot nitong mga pagbatikos sa kanyang programa laban sa mga tiwaling pinuno sa kanilang lugar ang motibo sa pagpatay.
Bago ang pagpatay, naging kontrobersiyal si Endrinal dahil sa kanyang pagbanat sa jueteng sa kanilang lugar.
Si Endrinal ang provincial coordinator ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) sa Albay at publisher ng local weekly newspaper "Metro News."
Binuo na ang "Task Force Guapo" na siyang tututok at mag-iimbestiga sa kaso. (Ulat nina Ed Casulla at Joy Cantos)