Sa nakalap na dokumento at sa pahayag ng ilang mga manggagawa, umabot sa P8,673,702.12 monetization of leave credits ng mahigit sa 111 bilang ng mga manggagawa buhat sa ibat ibang posisyon ang kasalukuyan pa ring hindi naipapamahagi sa kanila.
Ipinagtataka rin umano ng mga empleyado kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ibinibigay sa kanila ang nasabing benepisyo na dapat sana ay noong Disyembre 2003 pa ito ipinamahagi sa kanila matapos itong aprubahan ng Department of Budget Management (DBM) para ilabas ang halaga ng nasabing pondo.
Kinuwestiyon rin ng mga empleyado nito na kung bakit hindi ito inaaksiyunan ng mga top officials ng DPWH gaya nila Asst. Sec. Rafael Yabut, secretary for financial at DPWH Sec. Florante Soriquez.
Dahil dito, nangangamba ngayon ang mga DPWH employees kung patuloy umanong iipitin ng nasabing mga top officials ang kanilang leave benefit ay posibleng tuluyan nang hindi makarating sa kanila ang mga halagang kanilang makukuha at tuluyan na itong maibulsa ng mga opisyal dito.
Nilinaw pa ng mga empleyado na ayon sa Civil Service Commission ay maaaring i-convert ng mga kawani ng gobyerno ang kanilang leave credit sa cash basis. Hindi naman mahagilap ang mga opisyal ng DPWH na nabanggit upang hingian ng kanilang panig. (Ulat ni Gemma Amargo)