Hiniling ni Barbers kay Customs Commissioner Antonio Bernardo na magsagawa ng mahigpit na seguridad, maging sa mga lalawigan na umanoy target ng mga sindikato na siyang gawing palusutan ng ilegal na droga.
Lubhang naalarma ang tagapangulo ng senate committee on public order and illegal drugs sa kontrobersyal na pagpapalabas ng 19 na container vans ng poultry products ng mga customs officials sa Port of Batangas na may halagang P5 milyon na senyales ng malawakang smuggling sa bansa.
Sinabi ni Barbers na lubhang malaking halaga ng salapi ang isinusuhol ng sindikato ng ilegal na droga na umanoy malaki ang posibilidad na makalusot sa mga pantalan kung mabubulag ang mga customs officials.
Naniniwala ang mambabatas na posibleng gamitin ng mga sindikato bilang port of entry ang mga lalawigan dahil sa layo sa mga kalunsuran at paniniwalang di gaanong bibigyan ng atensyon ng mga awtoridad.
Pinasisiyasat na rin ni Barbers ang ibat ibang smuggling activities sa mga pantalan sa buong kapuluan na umanoy isang dagok sa ekonomiya ng bansa kung hindi ito mahahadlangan. (Ulat ni Rudy Andal)