Sinabi ni Sen. Barbers na siyang nangunguna sa senatorial slate ng Lakas-CMD na ang pahayag ay hindi napapanahon at hindi dapat pangunahan ang magiging pasya ng hukuman na nagsaad pa na ang isyu ng citizenship ni FPJ ay mareresolba lamang ng hukuman.
Nauna rito, sinabi umano ni Estrada na ang diskuwalipikasyon ni FPJ sa presidential race ay magbubunsod ng civil war, rebolusyon o massive disobedience kung babaligtarin ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Comelec na nagbasura sa kasong disqualification laban sa pagtakbo ni FPJ sa pagka-pangulo.
Bukod dito, ang mga tagasuporta ni FPJ ay nagbanta ring magsasampa ng kasong disbarment sa magkapatid na abogadong Fornier na siyang kumukuwestiyon sa pagiging Pilipino ni Da King.
Ayon sa senador, walang dapat ipangamba si FPJ kung siya ay natural-born citizen na una ng kinilala ng Comelec ng ibasura ang petisyon na nagdududa sa kanyang pagkatao.
Naniniwala si Barbers na ang hukuman ay babase sa merito ng kaso na umano ay kailangang pagtiwalaan ang kakayahan ng mga mahistrado na magpapasya batay sa ikabubuti ng bansa. (Ulat ni Rudy Andal/Lilia Tolentino)