Inaasahang pahaharapin sa komite ang naka-on-leave na si Archives director Ricardo Manapat at ang tatlong staff ng nasabing tanggapan na nag-akusa sa una ng pamemeke.
Ayon kay Bacolod Rep. Monico Puentevella, mahalagang maliwanagan ang nasabing kontrobersiya dahil hindi naging maliwanag ang naging pagdinig ng Senado sa nasabing isyu partikular sa umanoy naganap na falsification sa mga dokumento ng citizenship ni Fernando Poe Jr.
Naging kontrobersiyal ang National Archives kamakailan dahil sa isinumiteng marriage contract ng ama ni FPJ na si Allan Poe at Paulita Gomez at isang affidavit na nilagdaan ni Gomez na nag-aakusa naman sa ama ni Da King ng concubinage.
Lumalabas kasi sa nga dokumentong ito na mula sa National Archives na si FPJ ay bastardong anak ni Allan Poe at Bessie Kelley na isang Amerikana.
Ayon sa batas, ang nationality ng isang illegitimate child ay kung ano ang citizenship ng kanyang ina. Dahil Amerikana ang kanyang ina, si FPJ ay isa ring Amerikano. (Ulat ni Malou Rongalerios)