Ito ay matapos na dinggin ng SC ang oral argument na una nang hiniling ng Public Attorneys Office (PAO) sa pamamagitan ni Atty. Persida Rueda-Acosta.
Ayon sa isang source sa SC, posibleng pagbigyan ng mga mahistrado ang kahilingan ng PAO at Office of the Solicitor General (OSG) na pigilan ang pagbitay at tuluyang isalba ang buhay ng dalawang kidnapper na sina Roberto Lara at Roderick Licayan depende na rin sa kahihinatnan ng deliberasyon ng mga SC justices sa en banc session ngayong araw.
Bunga nito, nakakita ng malaking pag-asa sina Lara at Licayan na atasan ng SC si Marikina Regional Trial Court Judge Reuben dela Cruz na muling buksan ang kanilang kaso.
Binigyang-diin ng PAO sa kanilang 15-pahinang urgent motion to re-open the case with leave of court na mayroong bagong testimonya at ebidensiya ang maaaring iharap sa korte matapos na madakip sina Pedro Mabansag at Rogelio delos Reyes na kasabwat din umano sa nabanggit na kaso.
Hiniling din ng PAO sa SC na ibalik sa mababang hukuman ang kaso upang muling madinig at tanggapin ang mga bagong ebidensiya ng depensa kasama ng pagdinig sa mga bagong naaresto na sina Mabansag at delos Reyes.
Malaki ang paniniwala ng PAO na inosente ang dalawang death convict at ang tunay na may sala ay ang mga bagong umamin na testigo.
Sina Lara at Licayan ay sangkot sa pagdukot sa mga biktimang sina Thomas Co at sa tindera nitong si Linda Manaysay noong 1998 kung saan unang nahatulan na mabitay na pinagtibay naman ng SC noong Agosto 15, 2001. (Ulat ni Grace dela Cruz)