Zambo mayor pumatay dahil napikon

Dahil lamang sa mainitang pagtatalo, nasa "hot water" ngayon ang isang alkalde matapos nitong mapatay ang isang sibilyan na kanyang binaril nang harangin ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Lapuyan, Zamboanga del Sur kamakalawa.

Nahaharap sa kasong abuse of authority at homicide ang suspek na si Mayor Cesar Sulong, incumbent sa nasabing bayan.

Kinilala naman ang napatay nitong sibilyan na si Mario Buhay, nasa hustong gulang at residente ng Purok Malipayon, Brgy. Pobacion, Lapuyan.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-3:15 ng hapon ng magdaan sa lugar ang motorsiklong minamaneho ng isang Philip Mananghay habang kaangkas nito ang nasabing alkalde nang parahin ng biktima.

Dahil dito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at nina Mayor Sulong hanggang sa bunutin ni Mananghay ang kanyang kalibre .357 revolver at paputukan si Buhay subalit sumablay ito.

Sa puntong ito ay binunot rin ng alkalde ang kanyang kalibre .45 baril at pinaputukan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siya nitong agarang ikinasawi.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 na siyang ginamit sa pamamaslang.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nasabing kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments