Sa ginanap na pulong balitaan, sinabi ni Manapat na nakahanda siyang magpasailalim sa polygraph test kung sabay sila ni FPJ. Isama na rin anya nito sa lie test ang tatlong testigo na nagsabing siya ang nag-utos na pekein ang mga dokumento ni FPJ.
Ani Manapat, ito lamang ang paraan upang malaman ng publiko na talagang nagsasabi siya ng totoo hinggil sa mga hawak nitong dokumento at impormasyon na nagpapatotoo na hindi tunay na Pilipino ang aktor.
Sinabi pa ni Manapat na wala siyang iniutos sa mga archives employees na sina Vicelyn Tarin, Emman Llamera at Remmel Talabis kundi mag-print out at mag-enhance ng images ng mga dokumentong natagpuan sa microfilm.
Iginiit niya na natagpuan sa microfilm ng National Archives ang lahat ng dokumentong ginagamit ni Atty. Victorino Fornier sa disqualification case laban kay FPJ.
"Walang nangyaring fabrication, kundi pinalaki lamang ang images ng dokumento upang mabasa ng malinaw. Kaya walang ibang layunin ang pagharap ng tatlong testigo at suporta ng mga empleyado kundi gumanti sa mahigpit kong pamamahala," paliwanag ni Manapat.
Itinanggi rin nito na ipinuslit niya ang 1939 document ng archives division na umaabot sa 12 bundles bago siya nagdesisyong mag-leave kahapon.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Senado kamakalawa ay pinanindigan ni Manapat na pawang authentic at genuine ang kopya ng birth certificate na kanyang sinumite sa Comelec kaugnay ng pagdinig sa disqualification case laban kay FPJ.
Sa dokumentong iniharap ni Fornier sa Comelec, lumitaw na hindi tunay na natural-born citizen si FPJ dahil kasal ang ama nitong si Allan Fernando Poe sa isang Paulita Gomez na pawang Kastila.
Ginamit na batayan ni Fornier sa kasong disqualification ang ilang dokumentong isinumite mismo ng kampo ni FPJ, tulad ng marriage certificate nina Allan Poe at Bessie Kelley noong 1940 at birth certificate ni Da King na ipinanganak noong Agosto 20, 1939.
Sa 1940 marriage certificate, inilagay nina Poe at Kelly na kapwa sila single pero sa 1939 birth certificate, inilagay nilang kapwa sila kasal.
Hindi tinukoy ni Manapat kung sino sa tatlong archives employees ang tinutukoy niyang personal stuntman ng actor.
Bukod dito, nabatid pa kay Manapat na ang tatlo din ang nagsampa ng kaso laban sa kanya may tatlong buwan na ang nakakalipas.
Sinabi naman ng mga empleyado ng archives na sumusuporta sa tatlong testigo na maraming galit kay Manapat sanhi ng patong-patong na reklamo dito.
Anila, nong 1998 ay sinuspinde na rin si Manapat ng isang buwan sa puwesto at may warrant of arrest dahil sa ibat ibang kasong kinasasangkutan. May nakabinbin din umanong libel case sa kanya.
Agad namang naglagay ang Malacañang ng kapalit ni Manapat kahit hindi pa tinatanggap ni Pangulong Arroyo ang naturang leave.
Si Marietta Chou ang itinalagang officer-in-charge ng National Archives habang binibigyan ng pagkakataon si Manapat na linisin ang kanyang pangalan.
Nilinaw ng Palasyo na maaari lang makabalik sa puwesto si Manapat kung mapapawalang-saysay ang akusasyon laban sa kanya.
Samantala, iginiit naman ng mga senador na dapat magbitiw sa kanyang tungkulin si Manapat dahil nawala na ang tiwala ng taumbayan dito.
Pinayuhan ni Senate President Franklin Drilon si Pangulong Arroyo na agarang tanggapin ang resignation ni Manapat sa sandaling ihain nito ang pagbibitiw sa puwesto.
Kasabay nito, hiniling din ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III sa DOJ at Bureau of Immigration na magpalabas ng hold departure order (HDO) laban kay Manapat dahil sa mayroon na umano itong record na kapag naaakusahan ay lumalabas ng bansa para takasan ang kaso.(Ulat nina Ellen Fernando,Lilia Tolentino at Rudy Andal)