Ayon kay Rommel Talabis, siya ang unang inutusan ni Dir. Manapat na maghanap sa mga birth certificates mula 1936-1941 noong November sa Paco archives office, gayundin noong Disyembre para sa mga birth certificates ng 1915-1916.
Sa testimonya ni Talabis, ginawa niya ang inutos ni Manapat hanggang sa may ipinalinis itong dokumento mula sa micro-film kung saan ay ginawang mga blangko ang mga paglalagyan ng pangalan at iba pang detalye sa birth certificate.
Inutusan din siya ni Manapat na maghanap ng katulad na font ng natuklasan nitong birth certificate ng 1915 pero dahil sa mahirap na ito ay nag-cut and paste na lamang sjya mula sa computer para ikabit sa ipapagawang dokumento na ikakabit sa micro-film.
Idinagdag pa ni Talabis, noong Disyembre din ay inutusan siya ni Manapat na gumawa sa kanyang computer para sa isang marriage contract na pawang mga Spanish words ang nilalaman gayundin ang dokumento para sa bigamy charges dito na pinapalabas na luma.
Aniya, hindi nito natapos ang ipinapagawa ni Manapat hanggang sa mag-leave siya habang si Emman Llamera naman ang nagtuloy ng computer work para pekein ang marriage contract nina Allan Poe Sr. at Paulita Gomez.
Iginiit naman ni Vecelyn Tarin, records and management analyst, inutusan siya ni Manapat upang mag-scan ng mga pirma nina Poe Sr. at Gomez para ma-enhance sa kanyang computer at mailipat sa diskette na ibinigay ni Manapat.
Nagkakaisang inihayag din ng tatlong testigo na nagulat na lamang sila ng muling makita ang kanilang "pinekeng" dokumento ng magkaroon ng reklamo laban sa citizenship ni FPJ sa Comelec. (Ulat ni Rudy Andal)