Sa pahayag ni Elmer Garcia, opisyal ng Public Employees Association of the Philippines, maliwanag na panggigipit sa isang ordinaryong empleyado ng pamahalaan at matagal nang nagsisilbi sa taumbayan ang ginagawa ng mga opposition senators kay Manapat.
Pinuna ni Garcia na kapag ang mga malalaking tao ang naglalaban-laban, silang mga ordinaryo at karaniwang mga empleyado ang naiipit.
Aniya, ginagawa lamang nila ang kanilang mga trabaho ng naaayon sa itinakda ng batas at komitment na magsilbi sa publiko.
Kahapon ay pina-attend si Manapat at iba pang empleyado ng National Archives sa ginawang pagdinig ng Senate committee on electoral reforms.
Sa testimonya ni Manapat, pinanindigan nito na authentic at genuine ang mga dokumentong isinumite ng National Archives sa Comelec ukol sa disqualification case kay Fernando Poe Jr.
Ani Manapat, hindi maaaring peke ang mga dokumentong isinumite ng institusyon sa Comelec dahil mula ito sa microfilm na siyang ginagamit din ng mga bangko upang mai-preserve ang mga mahahalagang dokumento.
Mariing itinanggi rin ni Manapat na siya ang nag-utos sa kanyang mga tauhan para pekein ang nasabing mga dokumento dahil napaka-imposible umano na mapeke ang mga dokumento na nakapaloob na sa isang micro-film roll.
Si Sen. Sotto na campaign manager ni FPJ ay nagdeliver ng privilege speech sa Senado kamakailan na inaakusahang peke ang mga dokumento ng National Archives at inirefer nga sa komite ni Sen. Angara ang imbestigasyon. Si Angara naman ay ang sponsor ni FPJ sa oposisyon.
"Sinusunod ko lamang ang kautusan ng Comelec na isumite ang mga dokumento, kaya walang basehan ang mga personal na atake sa akin ni Sen. Sotto," wika ni Manapat. (Ulat ni Rudy Andal)