Sa pahayag, sinabi ni Pichay na tanging ang kataas-taasang korte ng bansa ang may karapatang magpasya kung Filipino nga ba o hindi ang tinaguriang hari ng pelikulang Pilipino.
Inihalimbawa ng chairman ng House committee on national defense ang article VII, section 4 ng Saligang Batas kung saan isinasaad nito na ang kabuuang kasapi ng Korte Suprema ang tanging husgado sa anumang usapin na may kaugnayan sa resulta ng halalan o kuwalipikasyon ng isang kandidato at may karapatan ito na gumawa ng anumang kapasyahan.
Ani Pichay, mababalewala ang anumang magiging desisyon ng Comelec kaugnay sa reklamo hinggil sa pagkatao ni Poe dahil tanging ang SC ang may karapatang resolbahin ito.
Sinabi pa ni Pichay na maghahain siya ng petition sa SC alinsunod sa kanyang responsibilidad bilang isang mambabatas na sumusunod sa batas.
"Alam naman natin na ang Supreme Court at hindi ang Comelec ang may huling kapasyahan ukol sa dapat bang maging isang kandidato si Poe o hindi," ani Pichay.
Ipinaliwanag pa ni Pichay na walang kinalaman ang pulitika sa paghahain ng kaso sa SC at gusto lang malinawan kung may basehan ba ang pagkandidato ni Poe bilang pangulo at ilagay sa tamang pamamaraan ang lahat.