Ito ang pinatunayan ng mga dokumento na hawak ng Commission on Elections na siyang dumidinig sa disqualification case ng action king.
Nabatid sa hepe ng National Archives kung saan naka-deposito ang mga historical documents at maging ang birth at marriage certificates, ang mga dokumento ay mula mismo sa microfilm records ng institusyon.
Ang mga dokumento na galing sa National Archives ay ang petisyon para sa kasong bigamy na nai-file ni Paulita Gomez laban sa ama ni FPJ na si Allan Fernando Poe noong Hulyo 16, 1939, isang buwan bago ipanganak si Da King; ang marriage contract ng ama ni Da King at Gomez na may petsang Hulyo 5, 1936; birth certificate ni Allan Poe, at verification na si Lorenzo Poe, ang lolo ni FPJ, ay hindi nakatira sa Pilipinas bago ang taong 1907.
Ang mga dokumentong mula naman sa Records Management and Archives Office ay ipinapakita na ang nanay ni FPJ na si Bessie Kelley ay isang Amerikana at ang kanyang ama na si Allan Poe ay isang Kastila.
Base sa mga dokumento, kung kasal si Allan Poe kay Paulita Gomez noong 1936, si Da King ay isang Amerikano dahil ito ang citizenship ng kanyang ina.
Ayon sa batas, ang citizenship ng batang ipinanganak na illegitimate ay kung ano ang citizenship ng kanyang nanay. At yaong mga sanggol na ipinanganak na lehitimo o kasal ang ina at ama, ang citizenship ng ama ang susundin ng anak.
Ipinagbabawal ng Saligang Batas ang sinumang hindi natural-born na Pilipino na tumakbo bilang pangulo ng bansa.
Samantala, peke naman ang birth certificate na isinumite ni FPJ sa Comelec noong mag-file siya ng kanyang kandidatura sa pagka-pangulo. Sinasabi ng birth certificate na ipinanganak si FPJ sa St. Lukes Hospital noong 1939 sa Room 1015 samantalang walang room 1015 sa St. Lukes noong taon na iyon dahil may 25 kama at isang palapag lamang ang nasabing ospital noong 1939.
Electric typewriter din ang ipinang-tatak sa form ng birth certificate ni FPJ samantalang wala pang electric typewriter noong 1939 at sulat-kamay ang ginagamit ng mga tao noon upang tugunan ang mga tanong sa blangkong form ng birth certificate. (Ulat nina Ellen Fernando at Malou Rongalerios)