Ayon kay Pimentel, hindi dapat mabalam ang pagsasagawa ng national at local elections sa darating na Mayo 10 sa sandaling ibasura ng Supreme Court (SC) ang kontrata hinggil sa computerization ng botohan at counting system.
Wika pa ni Pimentel, kapag hindi natuloy ang halalan ay walang mailuluklok na pangulo, bise presidente at mga lokal na opisyal sa itinakda ng ating Konstitusyon na puwedeng maging sanhi ng kaguluhan sa bansa.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas, sakaling walang maiproklama sa itinakdang araw ng Konstitusyon na bagong pangulo at bise presidente ay baka maging kuwestiyon naman ang pagpapatuloy ng termino ng mga nakaupo sa kasalukuyan para palawigin ang kanilang posisyon.
Naniniwala naman si Pimentel sa mga election experts na sakaling hindi paboran ng SC ang kontrata sa counting machines na gagamitin sa Mayo ay mayroong sapat na panahon pa upang maghanda ang Commission on Elections (Comelec) sa manual counting.
Samantala, tutol si Pangulong Arroyo na ipagpaliban ang eleksyon.
Sinabi ni Presidential spokesman Ignacio Bunye na nais ng Pangulo na masunod ang takdang araw ng halalan.
Ang payahag ng Pangulo ay tugon sa pahayag ni Senate president Franklin Drilon na maaaring ipagpaliban na lamang ang eleksyon dahil sa mauubusan na ng panahon ang Comelec sa paghahanda sa pagbibilang ng mano-mano sa balota sakaling maglabas ng desisyon ang SC na nagbabasura sa paggamit ng Automated Counting Machines (ACMs) na binili pa ng gobyerno ng P3 bilyon. (Ulat ni Rudy Andal)