Tiniyak kahapon ni Department of Health (DOH) Sec. Manuel Dayrit base sa kanilang isinagawang anti-body test kay MD sa pamamagitan ng Polymerase Chain Reaction (PCR) ay lumalabas na wala itong virus ng SARS.
"Aside from the antibody test, a sputum culture yielded a diagnosis of pneumonia secondary to mixed bacterial infection. Therefore, we are declaring her a case of bacterial pneumonia, not a SARS case," ayon pa sa kalihim.
Iginiit pa ni Dayrit na mabuti na ang kondisyon ngayon ni MD dahil sa dalawang araw na itong walang lagnat at hindi na rin nakitaan ng bacteria na Klebsiella pneumoiae at Pseudomonas aeruginosa.
Nabatid pa na mayroon pang nadiskubre ang DOH epidemiologist na karagdagang 8 community contacts at 4 na family contacts kung kaya umaabot na sa 46 ang mga ito kabilang ang employer ni MD at mga family members nito sa HK na hindi na rin naman nagpakita ng anumang senyales at sintomas ng naturang sakit.
Dahilan sa naturang development kaya ihihinto na ng DOH ang contact tracing, ayon pa kay Dayrit.
Pinapurihan naman ni Dayrit ang lahat ng health workers at local government officials dahilan sa kanilang mga alerto at magandang sistema sa pagsugpo sa nakamamatay na sakit. (Ulat ni Gemma Amargo)