Sa ginanap na press conference kahapon, inihayag ni Health Secretary Manuel Dayrit na kinordon na ng mga opisyal ng Laguna Provincial hospital ang kanilang paligid at iniiskoba ang mga dingding ng naturang ospital upang hindi na kumalat pa at makahawa ang naturang virus.
Nilinaw pa ng kalihim na ang 34 hospital contacts ni MD mula sa Laguna hospital ay kanila ng natukoy at isinailalim sa counseling. Kahit na hindi nagpakita ng anumang sintomas o senyales ng naturang sakit ay isinailalim pa rin ang mga ito sa home quarantine gayundin ang 4 close contacts nito na pawang mga kamag-anak at kapitbahay ng una at ang doktor na tumingin kay MD.
Samantala naka-quarantine pa rin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang asawa at mga anak ni MD at hindi nagpakita ng sintomas ng lagnat bagamat mayroong ubo na isa rin sa mga sintomas ng SARS.
Isa pang bisita nito noong Bagong Taon sa kanilang bahay ang under observation subalit patuloy pa rin itong kinakalap ng DOH.
Inaasahan namang makukuha ng DOH ang resuta ng Polymerase chain reaction (PCR) ni MD, isang uri ng pagsusuri na isinasagawa sa dugo ng pasyente upang matukoy kung mayroon itong corona virus na tinataglay ng SARS sa Huwebes.
Iginiit pa ni Dayrit na hanggang hindi pa nakukuha ang resulta ng PCR ni MD ay hindi pa maaaring ideklara na nagtataglay ito ng SARS at sa kasalukuyan isang simpleng sakit na pneumonia lamang.
Sa kasalukuyan ay nasa maganda ng kondisyon at wala ng lagnat si MD na isa umanong magandang senyales na patuloy itong gagaling. (Ulat ni Gemma Amargo)