Duda sina Reps. Alan Peter Cayetano at Wilfredo Villarama sa kakayahan ni FPJ na mapagkaisa ang sambayanang Pilipino dahil sa kakulangan ng malinaw na plataporma de gobyerno ng tinaguriang hari ng pelikulang Pilipino.
Anila, sasama pa ang hinaharap ng taumbayan sakaling mahalal si FPJ dahil wala itong maipagmamalaking programa at karanasan sa pulitika, kumpara kay Estrada na naging dating alkalde, senador at bise presidente.
Ayon sa mga kongresista, walang maipakitang programa ang tiket ng FPJ-Legarda kundi popularidad samantalang karanasan, kakayahan at kredibilidad naman ang iniaalok ng administrasyon sa ilalim ng tambalang GMA-Noli.
"Tingnan naman ninyo noong tanungin ito kung ano ang kanyang plataporma, ginagawa pa raw. Isa itong malinaw na senyales na hindi alam ng taumbayan kung anong direksiyon ang patutunguhan ng bayan sa ilalim ng FPJ presidency," ani Cayetano.
Ayon naman kay Villarama, malaki ang pagkakaiba ng panunungkulan sa pamahalaan sa pagiging artista dahil ang una ay kinakailangan ng karanasan, pananaw, kakayahan at kagalingan. (Ulat ni Malou Rongalerios)