Sa kanyang pahayag, sinabi ni Rep. Pichay na inulit lamang ni Roco ang ginawa niya noong 1998 na sinorpresa ang lahat nang bigla niyang kunin ang isang gasoline dealer sa Mindanao bilang kanyang bise presidente.
Kaya hindi na anya kataka-taka kung maging si Hermie Aquino na dating congressman ng Tarlac at hindi national figure ay kunin ni Roco bilang bise presidente.
"Puwede naman niyang kunin sana si Lito Osmeña o kaya si former Defense Secretary Renato de Villa o kaya ay si Cong. Oscar Moreno na naging prominente noong Erap impeachment trial na national ang dating ngunit hindi niya pinili," sabi ni Pichay.
"Marahil alam niyang wala siyang ibubuga pagdating sa organisasyon na talagang kailangan para manalo ang isang kandidato," dagdag pa nito.
Noong 1998 presidential election, pinili ni Roco ang isang walang karanasang Inday Santiago na isang negosyante mula sa Mindanao para running mate niya.
"Ibig sabihin, walang seryosong national political figure ang gustong isugal ang political career kay Roco," wika pa ni Pichay.
Kung ang pinagbabatayan naman ay ang pagiging Aquino, sinabi ni Pichay na hindi ganoon kalakas ang clout ni Hermie sa Aquino at Cojuangco clan.
Sinabi pa ni Pichay na bukod dito, ang tambalang Roco na isang dating abugado para sa mga makapangyarihan katulad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, at Hermie, na miyembro naman ng mayaman at elitistang Aquino clan ay walang hatak sa masa. (Ulat ni Malou Rongalerios)