2 mag-utol na galamay ni Bin Laden idedeport

Itatapon palabas ng bansa anumang oras ang dalawang naarestong African-American nationals na hinihinalang miyembro ng Al-Qaeda terrorist network ni Saudi billionaire Osama bin Laden.

Ito ang nabatid kahapon matapos na iharap nina Phil. Navy Chief Vice Admiral Ernesto de Leon, Marines commandant Major Gen. Emmanuel Teodisio at Immigration Commissioner Andrea Domingo ang dalawang dayuhang suspek na nakatakda nang ideport.

Nasa kustodya ng BID simula pa noong Disyembre 13 matapos ang mga itong masakote ng pinagsanib na puwersa ng BID, Marines at Naval Intelligence Service sa Tanza, Cavite sina Jamil Daud Mujahid, 56, Muslim convert at kapatid na si Michael Ray Stubbs.

Ang dalawa ay kapwa nahaharap sa paglabag sa Immigration Act dahil sa pagiging illegal alien at base sa intelligence report ay namonitor ang mga ito na nakikipagpulong sa iba’t ibang organisasyon na may ugnayan sa al-Qaeda kabilang na ang Abu Sayyaf Group at MILF.

Ayon kina Domingo at de Leon, inimpormahan na nila ang pamahalaan ng Amerika sa pagkakasakote sa dalawang suspek at kasalukuyan nang isinasaayos ang pagpapadeport sa mga ito. Ang dalawa ay hindi pa maaaring kasuhan sa Pilipinas dahil nakabinbin pa rin ang anti-terrorism bill.

Nabatid na si Mujahid na matagal ng lumutang ang pangalan sa mga terrorist agents ay kabilang sa nakatala sa alert list ng Pilipinas mula pa noong Setyembre 11, 2001 attacks sa World Trade Center at Pentagon sa New York.

Lumilitaw sa imbestigasyon na ang dalawa ay dumating sa Pilipinas nitong nakalipas na Disyembre 10 pero matagal ng nagpapabalik-balik sa bansa.

Napag-alaman pa na ang lokal na kontak ng mga ito ay nagso-solicit ng pondo sa mga US-based Muslim groups para umano makapagpatayo ng mga eskuwelahan, mosques, housing communities at iba pa para sa komunidad ng mga Muslim ng Mindanao region na umano’y front lamang para makapangalap ng pondo ang mga elementong terorista. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments