AFP susuporta sa PNP vs jueteng

Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumulong sa Philippine National Police upang labanan ang illegal number games partikular na ang jueteng kasundo ng direktiba ni Pangulong Arroyo na lipulin ang jueteng sa buong bansa.

Ayon kay AFP-Civil Relation Command Adjutant Rosendo Armas, kung kinakailangan ang tulong ng militar para sa "massive infomation campaign" at pakikipag-ugnayan sa taumbayan partikular na sa mga lalawigan ay nakahanda silang kumilos.

Naniniwala si Armas na malaki ang maitutulong ng intelligence gathering ng militar sa nasabing kampanya ng pamahalaan lalo pa at sinasabing maraming pulitiko at mga tiwaling kasapi ng law enforcers ang sabit o nagbibigay ng proteksyon sa mga gambling lords.

Inihalintulad din ni Armas ang pagiging epektibo ng militar sa pag-ayuda sa PNP sa kaso ng kidnapping na halatang nabawasan ng malaki sa pag-upo ni dating Defense secretary Angelo Reyes bilang National anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) chairman at sa impresibong epekto ng paglalagay ng mga check point sa iba’t iba bahagi ng Metro Manila. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments