Sa isang press briefing, sinabi ni Roxas na naunawaan ng Pangulo ang kanyang naging hakbang at hinangad nito ang kanyang tagumpay sa inaambisyong puwesto sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Inamin ni Roxas na noong una ay nagkaroon ng konsiderasyon ang kampo ng Liberal Party na ikandidato siya sa pagka-bise presidente pero nagpasya siyang isulong ang kandidatura niya sa Senado para makatulong siya sa pagbalangkas ng mga batas na makakatulong sa ipinupursigeng mga programa ng pamahalaan.
Bago nagbitiw sa puwesto, sinabi ni Roxas na nakipagkonsultasyon siya sa Pangulo, partido at iba pang sektor na tagasuporta niya sa pulitika.
Pansamantalang manunungkulan sa DTI si Undersecretary Adrian Cristobal Jr.
Sinabi ni Roxas na hindi naman lingid sa kanya ang mga intriga sa pulitika kaya hindi niya inililihim sa publiko na mayroon siyang 11-anyos na anak, si Paolo Gerardo. Hindi naman binanggit ni Roxas kung sino ang ina ng bata at kung kasal siya dito. (Ulat ni Lilia Tolentino)